CAUAYAN CITY – Matagumpay ang dalawang helicopter ng Philippine Air Force (PAF) sa pagsasagawa ng rapid disaster assessment and analysis sa Calayan, Cagayan at Basco, Batanes, upang alamin ang epekto ng mga nagdaang Bagyong Ramon at Sarah.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Lt. Col. Augusto Padua, commander ng Tactical Operations Group 2 ng PAF sa Cauayan City, sinabi niya na naging maganda na ang sikat ng araw sa mga nabanggit na lugar kaya pinakilos na ang kanilang dalawang Sikorsky helicopter.
Layunin nitong matukoy ang pangangailangan ng mga residenteng naapektuhan ng bagyo sa Calayan, Cagayan at Basco Batanes, at upang makita na rin ang epekto nito sa mga mamamayan.
Matapos aniya nito, makikipagpulong naman sila sa Office of Civil Defense-Region 2 at Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at saka magpapasya kung ano ang mga kailangang tulong na dadalhin sa mga naapektuhan ng bagyo.
Nakahanda ang kanilang hanay na magdala ng mga relief goods at mga doktor kung kailangan sa nabanggit na lugar.