Isang bagong uri ng sinaunang sea monster na hindi pa kilala noon ang natuklasan ng mga siyentipiko sa Canada, batay sa mga fossil na unang nadiskubre noong 1988 sa Puntledge River sa Vancouver Island.
Ayon sa panibagong pag-aaral na inilathala sa Journal of Systematic Palaeontology, ang mga fossil ay kabilang sa isang bagong genus ng plesiosaur na tinawag na Traskasaura sandrae.
Ang T. sandrae ay isang uri ng elasmosaur na may kakaibang katangiang pisikal—mahaba ang leeg na may mahigit 50 buto, matitibay at matutulis na ngipin na kayang durugin ang mga shell ng ammonite, at may kakaibang balikat na wala sa ibang plesiosaur. Tinatayang umaabot ito sa 39 talampakan ang haba.
Ayon sa mga mananaliksik, ang hayop na ito ay may kakaibang kombinasyon ng primitive at advanced na katangian, at ito ang unang kilalang plesiosaur na nagha-hunt mula sa itaas ng dagat —isang natatanging strategy sa paghuli ng pagkain noong sinaunang karagatan ng North America.
Nabatid na ang fossils ay bahagi ng opisyal na simbolo ng British Columbia mula pa noong 2002 at kinilala bilang provincial fossil ng lalawigan noong 2023. Matagal nang kilala ang presensya ng plesiosaur fossils sa rehiyon, ngunit ngayon lamang napangalanan at nakilala nang pormal.
Una rito ang Traskasaura ay ipinangalan sa lungsod ng Courtenay kung saan natuklasan ang unang specimen, habang ang sandrae ay alay kay Sandra Lee O’Keefe, isa sa mga unang nakatuklas ng fossil noong 2002.
Makikita ngayon ang mga fossil sa Courtenay and District Museum and Palaeontology Centre sa British Columbia.