-- Advertisements --
facemask

Binigyang linaw ng isang eksperto na hindi ang Omicron subvariant XBB.1.16 o mas kilala bilang Arcturus variant ang dahilan ng muling pagtaas ng bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang pahayag ay sinabi ng infectious diseases expert na si Dr. Edsel Salvana na walang katotohanan na ito ang dahilan ng pagtaas ng mga kaso ng nasabing virus sa Pilipinas.

Aniya, sa katunayan pa nito ay nag-iisa pa lamang ang nadedetect na Arcturus case sa bansa na naitala noong Abril 26 sa probinsya ng Iloilo at ang tinamaan aniya nito ay asymptomatic at gumaling na rin.

Dagdag pa ni Salvana, bagama’t ang naturang variant ng Omicron ang naging dahilan ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa ilang bansa, ay wala pa aniyang direktang ebidensya ito na nagpapakita na nagdudulot ito ng mas malubhang karamdaman.

Samantala, kaugnay nito ay binigyang diin din ni Salvana na nananatili pa ring mabisa ang mga bakunang ginagamit ng bansa laban sa Arcturus variant.