Matapos ang pamamahagi ng tulong pinansyal sa mga tricycle driver, sisimulan na ngayong linggo ang pagbibigay ng P5,000 cash assistance sa iba pang transport workers sa Metro Manila, ayon sa Department of Social Welfare and Development – National Capital Region (DSWD-NCR)
Layunin ng programa na maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, na dulot ng tumitinding tensyon at sigalot sa Gitnang Silangan, na halos isang buwan nang nagpapatuloy.
Ayon sa advisory ng DSWD-NCR, nakatakda ang payout ng ayuda para sa iba’t ibang sektor ng transportasyon sa mga sumusunod na petsa:
Marso 24 (Martes): Mga driver ng transport network vehicle services (TNVS)
Marso 25 (Miyerkules): Mga tsuper ng public utility jeepneys (PUJs)
Marso 26–27 (Huwebes–Biyernes): Mga delivery rider
Marso 28 (Sabado): Mga motorcycle taxi driver
Pinayuhan ang mga benepisyaryo na maghintay ng anunsyo mula sa kani-kanilang lokal na pamahalaan hinggil sa eksaktong lugar ng payout at mga kinakailangang dokumento.
Tinatayang 396,352 public utility vehicle (PUV) drivers sa Metro Manila ang makikinabang sa nasabing cash aid program.
Ayon sa DSWD, layon nitong tulungan ang mga tsuper na mapagaan ang bigat ng gastusin sa gasolina at ang epekto nito sa kanilang kita lalo na sa panahong patuloy ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Malaking bahagi ng kita ng mga tsuper at rider ang napupunta sa gastos sa krudo, kaya’t ang pagtaas nito ay direktang nakaaapekto sa kanilang araw-araw na kita at kabuhayan.
Samantala, sinabi ng DSWD na ipatutupad din ang pamamahagi ng cash assistance sa mga driver sa labas ng Metro Manila matapos ang Semana Santa. Isinasapinal pa umano ang listahan ng mga benepisyaryo sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr) at ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB). Kapag natapos na ang listahan, agad na sisimulan ang rollout ng ayuda sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.
Bukod sa cash assistance, inanunsyo rin ni President Ferdinand Marcos Jr. na magbibigay ang pamahalaan ng fuel subsidy sa lahat ng kwalipikadong PUV drivers bago matapos ang Marso. Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na plano ng gobyerno upang tulungan ang sektor ng transportasyon na makabangon mula sa epekto ng tumataas na presyo ng langis.
















