-- Advertisements --

Iginiit ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi galing sa China ang kilo-kilong shabu na nasabat sa bansa sa mga nakalipas na taon.

Tugon ito ng PDEA sa pahayag ni Vice Pres. Leni Robredo na tila nababahala sa pagkakasangkot ng ilang Chinese nationals sa drug cases.

“Iyong sa akin, gusto kong kumalap ng mas maraming datos, kasi iyong pinaka-report talaga sa atin ngayon, karamihan sa supply na pumapasok dito, galing China. Pati iyong… pati iyong… pati iyong mga nahuhuli na mga nag-o-operate within the Philippines, karamihan Chinese nationals or Filipino-Chinese nationals. So it is something that we should look into,” ani Robredo.

“Actually ang dami pang information out there na hindi pa sa akin nakakarating. Kailangan talagang ayusin. Kailangan organized. Kailangan tingnan how we have been reacting or responding to all the information, and how we can improve on what we have already been doing.”

Ayon kay director general Aaron Aquino, na siyang chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD), galing sa Golden Triangle Syndicate ang mga nasasabat nilang iligal na droga sa ngayon.

Kabilang dito ang higit 200-kilong shabu sa Manila International Container Port noong 2018, 5-kilong shabu sa NAIA, at 8-kilong shabu na nasabat sa isang Indonesian national na isinilid sa Chinese teabag.

Nago-operate umano ang grupo sa Thailand, Laos at Myanmar.

Habang ang mga nasasabat nilang cocaine ay galing Colombia at Peru, samantalang mula Netherlands at iba pang bansa sa Europa ang mga ecstasy.

Hindi man direktang binanggit ni Robredo kung makikipag-pulong ito sa mga opisyal ng Chinese Embassy, ay tiniyak niyang magkakaroon ng puwang para sa international bodies ang isinusulong naiya na bagong approach sa war on drugs campaign ng gobyerno.

“Pag-aaralan muna natin kung anong mga bansa iyong pinaka-urgent na information nila ang kailangan natin. It can be any of the countries na hindi lang na mayroon tayong partnerships, pero who have also been helping us in the past as far as the campaign against illegal drugs is concerned. Ang alam ko, even before I was appointed, marami na ding… marami nang pagpapalit ng information with Chinese government, with many other governments. Kanina nga na-report na mayroong na… mayroong malaking drug haul na nagawa because of information coming from the Vietnamese government. So tayo, nilalatag natin lahat.”