Muling nanawagan si Sen. Bong Go sa mga kapwa opisyal ng gobyerno para sa pagkakaisa at isantabi muna ang pulitika ngayong panahon ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Sen. Go, nauunawaan nama nito ang papel ng oposisyon kaya sila ni Pangulong Rodrigo Duterte ay patuloy lamang sa pagtatrabaho para matupad ang kanilang mandato sa taongbayan hanggang huling araw sa termino.
“Sa mga kababayan ko, sana po magtulungan po tayo. Sino ba naman ang magtutulungan kundi tayo lang po. Kung mag aaway-away pa po tayo, wala pong mangyayari sa atin,” ani Sen. Go.
Ayon kay Sen. Go, huwag na muna nating haluan ng pulitika ang pandemya dahil wala na tayong pag-uusapang pulitika kung hindi nalagpasan ang krisis na ito.
Inihayag naman ng senador na iginagalang nito ang mga kapwa mambabatas sa kabila ng kanilang political affiliation dahil sa kanilang malawak na karanasan sa lehislasyon at public service habang itinuturing nito ang sarili bilang neophyte o baguhan sa political arena.
“In fairness, sa lahat ng opposition senators, kina Sir Frank Drilon, respetado po ‘yan. Sabi ko nga 22 years na siya, ako neophyte palang, marami kaming matutunan sa kanya… Even Sen. Kiko and Sen. Risa, marami kami matutunan (sa kanila), nirerespeto ko po mga yan.”