-- Advertisements --

Tiwala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na matutugunan ng Department of Energy (DOE) ang hirit ng mga tsuper ng taxi at UV Express na fuel discount.

Sinabi ito ni LTFRB executive director Maria Kristina Cassion matapos na una nang ibinigay sa mga tsuper ng jeepney ang naturang diskuwento sa langis.

Ayon kay Cassion, may “baskets of solution” ang Department of Transportation (DOTr) at LTFRB para sa iba pang denominations ng sektor ng transportasyon.

Pagtitiyak na rin ito ni Cassion kasunod ng serye ng oil price hikes sa mga nakalipas na buwan.

Kamakailan lang ay umapela ang DOE sa Kongreso na bigyan sila ng kapangyarihan na suspendihin ang excise taxes sa mga produktong petrolyo kasunod na rin ng pagsirit ng presyo ng langis.

Sa ngayon kasi aniya ay walang kapangyarihan ang DOE na gawin ito kapag maabot ang certain level ng presyuhan dahil sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law ay pinapayagan lamang ito mula noong 2018 hanggang 2020.