Nilinaw ng Malacañang na hindi galing o nagsimula kay Pangulong Rodrigo Duterte ang Anti-Terrorism Bill na patuloy na ipinoprotesta ng mga kritiko habang kulang na lamang ang pirma rito ng pangulo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, hindi dapat kalimutan na hindi ito inisyatiba o hiningi ni Pangulong Duterte at Kongreso ang nagsulong sa panukalang batas.
Sa kabila nito, inihayag ni Sec. Roque na imposible itong i-veto ni Pangulong Duterte dahil sinertipikahan nitong urgent at tingnan na lamang daw kung mapagkakatiwalaan ang mga personalidad na nasa likod nito gaya nina Senate Pres. Tito Sotto III at Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Pero sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Sec. Roque na mangyayari lamang ang pag-veto kung iba ang sinertipikahang urgent ni Pangulong Duterte sa bersyong ipinasa ng Kongreso at may paglabag ito sa Konstitusyon.
Sa ngayon, natapos ng rebyuhin ng tanggapan ni Chief Presidential Legal Counsel (CPLC) Salvador Panelo ang panukalang batas at inirekomenda ang paglagda ni Pangulong Duterte.
Patuloy pa naman itong inaaral ng Office of the Executive Secretary (OES) at Department of Justice (DOJ).