Bigong masungkit ni Annabelle McDonnell ang korona bilang kinatawan ng Pilipinas sa Miss Globe 2025 matapos niyang makapasok sa Top 11 ng naturang pageant na ginanap sa Tirana, Albania.
Nasungkit ni Chayathanus Saradatta ng Thailand ang korona bilang Miss Globe 2025, habang pumangalawa naman si Valentina Gegprifti ng Albania.
Bagaman hindi naiuwi ni McDonnell ang titulo, siya ang nanalo sa Head-to-Head Challenge ng kompetisyon.
Sa national costume competition, nagbigay-pugay si McDonnell sa kanyang pinagmulan sa Iligan City sa pamamagitan ng isang marangyang gintong kasuotan na hango sa Maranao folk dance na singkil, kumpleto sa mga pamaypay at payong.
Hindi man nakuha ang ikatlong Miss Globe crown ng Pilipinas, muling pinatunayan ni McDonnell ang kanyang husay sa international pageant stage. Matatandaang naging 1st runner-up din siya sa Miss Charm 2023.