Naghain ng petisyon sa Korte Suprema sina dating House Speaker Pantaleon Alvarez at ilang kasama na humihiling na obligahin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sumailalim sa pisikal at mental na eksaminasyon, kabilang ang hair follicle test, upang umano’y matukoy ang tunay na kalagayan ng kanyang kalusugan.
Sa inihain na petition for mandamus noong Abril 15, 2026, layunin ng mga petitioner na ipakita sa publiko ang tunay na kondisyon ng pangulo, sa gitna ng mga alegasyon na maaaring makaapekto ito sa kanyang kakayahang gampanan ang tungkulin bilang punong ehekutibo.
Kabilang sa mga respondent sa kaso si Executive Secretary Ralph Recto, na inatasan ng Korte Suprema na magbigay ng komento sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso, gayundin ang Pangulo mismo.
Sa petisyon, iginiit ng mga nagsampa na ang umano’y kawalan ng “effective response” ng Pangulo sa mga epekto ng socio-economic crisis sa Gitnang Silangan ay maaaring indikasyon ng lumalalang pisikal at mental na kondisyon.
Ayon sa dokumento, mahalaga umanong matiyak ng publiko na ang lahat ng desisyon at polisiya ng ehekutibo ay nagmumula sa isang pangulong “mentally sound” at “physically capable,” at may malayang paghatol.
Patuloy na hinihintay ang magiging tugon ng mga respondent at ang magiging aksyon ng Korte Suprema sa petisyon.
















