Tahasang binalewala ng Iran ang inaalok na 15-point peace plan ng Estados Unidos, sa gitna ng patuloy na tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng militar ng Iran, ang Washington ay nakikipag negosasyon sa kanilang sarili at naglabas ng matapang na mensahe hinggil sa panukala.
Batay sa mga ulat, nakarating ang nasabing plano sa Tehran sa pamamagitan ng bansang Pakistan, na kasalukuyang tumatayo bilang intermediary.
Bagama’t hindi pa isinasapubliko ang buong detalye ng dokumento, naiulat na nakapaloob dito ang kondisyon na buwagin ng Iran ang kanilang mga nuclear facilities.
Kapalit umano nito ay ang tuluyang pag-alis sa mga ipinapataw na sanctions laban sa kanilang bansa.
Taliwas naman sa naging reaksyon ng Iran ang paniniwala ni US President Donald Trump.
Nitong Martes, iginiit ng pangulo na nais ng Tehran na magkaroon ng kasunduan .
Samantala, isang ministro mula sa Israel ang nagpahayag ng pagdududa sa nasabing hakbang.
Sa isang panayam, sinabi nitong ang panukala ng US ay beautiful on paper, ngunit iginiit na malaki ang posibilidad na hindi ito kailanman sasang-ayunan ng Iran.
Sa kabilang dako, sa kabila ng tumitinding hidwaan diplomatiko, nilinaw ng misyon ng Iran sa United Nations (UN) na maaari pa ring dumaan ang mga non-hostile vessels sa Strait of Hormuz.
















