-- Advertisements --

Nagkaroon lang ng pagkakamali sa pagresolba sa marital problem nina Aljur Abrenica at Kylie Padilla.

Unang direktang pahayag ito ni Aljur, tatlong buwan mula nang unang umugong ang isyung “on the rocks” ang kanilang pagsasama ni Kylie matapos na hindi na suot ng huli ang kanyang wedding ring.

Hindi na idinetalye ng 30-year-old actor ang pinagdaanan nila ng 28-year-old actress pero normal lang aniya ito na dumarating sa lahat ng mag-asawa.

“It was mismanaged,” saad nito sa virtual press con ng katatampukang upcoming sexy drama movie.

Sa ngayon maayos na ang pagsasama nila ng anak ni Robin Padilla lalo’t mayroon na silang dalawang anak.

Nitong nagdaang International Women’s Day, pinuri ni Abrenica ang celebrity wife sa pamamagitan ng pag-post ng larawan nito kung saan makikita ang iba’t ibang face expression ng tinawag nito bilang kanyang reyna.

Dito ay napansin din na may suot na uli si Kylie na singsing sa kanyang daliri.

Ang pagkakaayos nina Padilla at Abrenica ay kasunod ng insidente kung saan naospital ang kanilang anak matapos makagat ng aso.

Noong nakaraang buwan nang magdulot ng ispekulasyon sa kani-kanilang fans ang misteryosong posts ng celebrity couple.

Kabilang dito ang hugot ng aktres sa pagiging “submissive, but not stupid,” at ang kahalagahan ng pagmamahal sa sarili.

Habang kay Aljur, may hawak siyang rosaryo kung saan nagdasal aniya siya kaya nagkaroon ng peace of mind.

Taong 2017 nang mauwi sa engagement ang kanilang limang taon na on-and-off relationship bilang magkasintahan hanggang sa ikinasal noong 2018 at biniyayaan ng dalawang anak na lalaki.

Kung maaalala, nagkaroon ng tampuhan si Kylie at ama nitong “Bad Boy in Philippine Showbiz” dahil hindi nasunod ang request na magpakasal na sila ni Abrenica noong kasagsagan ng kanyang pagbubuntis.