Hindi pa kaya ng pamahalaan na mailagay ang anumang lugar sa Pilipinas sa ilalim ng Alert Level 1 sa kasalukuyan, ayon kay acting presidential spokesperson Karlo Alexei Nograles.
Ito ay kahit pa aniya na sa kasalukuyang binabago ng pamahalaan ang mga parameters para mailagay kung sakali ang ilang lugar sa bansa sa pinakamaluwag na alert level classification.
Sa kasalukuyan, ang National Capital Region (NCR), pati na rin ang karamihan sa mga lugar sa bansa, ay nasa ilalim ng Alert Level 2 sa harap nang pagkakatuklas ng Omicron variant ng coronavirus disease.
Ang Alert Level status na ito ay tatagal pa hanggang Disyembre 15.
Ayon kay Nograles, dipende sa magiging sitwasyon at iba pang mga factors, tulad ng average daily attack rate, two-week growth rate, at healthcare utilization rate, ang pamahalaan ay maari ibalik o hindi ang mahigpit na restrictions sa Pasko.
Dahil nga sa banta ng Omicron variant, sinabi ni Nograles na magkakaroon pa lalo ng active monitoring sa naitatalang bagong COVID-19 cases sa kada lugar sa bansa at posibleng clustering.
Pinapaalalahanan din aniya ang mga local government units na magpatupad ng granular lockdowns kung kakailanganin para matiyak na hindi makakapasok sa bansa ang bagong variants at iba pang variant ng sakit.










