Kinumpirma ng pamilya ni Jane Marczewski na sumakabilang-buhay na ang singer na nakilala sa stage name na Nightbirde.
Si Nightbirde na contestant sa “America’s Got Talent” (AGT) ay tuluyang pumanaw matapos ang apat na taong pakikipaglaban sa sakit na cancer.
“We, her family, are devastated by her passing and unimaginable loss,” saad ng pamilya Marczewski sa NBC.
Nakapukaw ng atensyon si Nightbirde noong nakaraang taon kasunod ng kanyang kahanga-hangang audition kung saan kanyang inawit ang original song nito na “It’s OK.”
Dito niya rin ibinunyag sa AGT judges na siya ay mayroong cancer na kumalat na sa kanyang baga, atay at sa gulugod.
“You can’t wait until life isn’t hard anymore before you decide to be happy,” wika nito sa mga hurado.
Kilala sa mga prangkang komento na si AGT judge Simon Cowell, humanga ito sa positibong pananaw sa buhay ng naturang contender.
Binigyan ng “golden buzzer” si Nightbirde, daan upang otomatiko siyang makaabanse sa susunod na round ng kompetisyon. (CNN)