Nananawagan si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez para sa agarang pag-apruba ng House Committee on Constitutional Amendments sa mga amiyendang itinutulak sa economic provisions ng 1987 Constitution.
Ginawa ni Rodriguez ang naturang pahayag isang araw matapos na talakayin ng komite ang Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco, na naglalayong amiyendahan ang “restrictive” economic provisions ng Saligang Batas.
Ito ay para na maipadala na rin aniya sa lalong madaling panahon sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ang mga proposed amendments sa Konstitusyon.
Pagkatapos nito ay maari na aniyang umupo bilang Constituent Assembly (Con-Ass) ang plenaryo ng Kamara.
Binigyan diin ni Rodriguez na noon pang 16th at 17 Congress nang talakayin ng lubos ang proposed amendments na ito sa economic provisions ng Charter, at nabigyan na rin nang pagkakataon ang lahat ng mga resource persons para makapagsalita at maagpahayag ng suporta sa hakbang na ito.
Base sa Article XVII ng Saligang Batas, sinabi ni Rodriguez na maaring umupo ang Kamara bilang Con-Ass, kung saan hindi na kailangan ang joint session ng Kongreso.
Ang kailangan lamang aniya ay ang three-fourths vote ng lahat ng mga miyembro ng Kamara.
“Therefore, the House itself can convert itself into a Constituent Assembly and approve, by 3/4 vote of all its members, these amendments to the economic provisions in the Constitution,” dagdag pa ni Rodriguez.
Sa oras na maaprubahan na ang economic provision amendments na ito sa pamamagitan ng 3/4 votes ng lahat ng mga miyembro ng Kamara, saka pa lamang ito maaring ipadala sa Senado, na ganon din, uupo bilang Con-Ass at magsasagawa ng kanilang sariling botohan, ayon sa Kongresista.
Kahapon, inanunsyo ni Garbin na umuupo na bilang Con-Ass ang kanyang komite dahil sa tinatalakay na nila ang mga proposed amendments sa Saligang Batas.
Pero ayon kay Ridriguez, “preparatory and recommendatory” lamang ang mga pagdinig na ito ng komite ni Garbin sa RBH 2 para i-endorso naman ang mga economic amendments sa plenaryo ng Kamara na tatayo bilang Con-Ass.
“The Committee hearings are not yet acts of a Constituent Assembly,” giit ni Rodriguez.










