CAGAYAN DE ORO CITY – Tiniyak ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na nakahanda na rin ang kanilang buong hanay pagbigay ng mahigpit na seguridad sa dalawang magkaibang relihiyosong paggunita ng Simbahang Katoliko at mga kapatid na Muslim sa bansa nitong buwan.
Kaugnay ito sa isang buwan na Ramadan observance at paggunita ng Holy Week ng mga Kristiyano kung saan highlight ang pagsasariwa ng mga eksena na pagpapasakit,pagkamatay at muling pagka-buhay ng Kristo-Hesus sa susunod na linggo.
Katiyakan ito ni Philippine Army spokesperson Colonel Louie Dema-ala kasunod sa pagtaas alerto ng PNP kasama ang government friendly forces sa buong bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni Dema-ala nakahanda na ang kanilang buong hanay upang tiyakin na mapayapa at maayos na maisagawa ang dalawang global religious activities kung saan aktibo na ino-obserba ng Pilipinas.
Tinukoy ng opisyal ang mga hakbang na maglalayong magbigay seguridad ng pangkalahatan para masupil ang anumang pananabotahe na maaring ihahasik ng mga terorista at maging sa New People’s Army (NPA) na arm wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) na gugunita rin ng anibersaryo sa susunod na linggo.
Napag-alaman na hindi pa inalis ng national government ang ipinatupad na taas-alerto sa buong bansa kasunod sa bombing incident na ikinasawi ng apat na katao sa loob ng Mindanao State University main campus ng Marawi City,Lanao del Sur noong Disyembre 2023.