Kapwa nagpahayag ng pakikiramay ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno Aquino III kaninang umaga dahil sa renal disease secondary to diabetes, ayon sa pahayag ng pamilya Aquino na binasa ng kapatid ng yumaong Pangulo na sa Pinky Aquino-Abellada.
Sa pahayag ni AFP Spokesperson Marine Major General Edgard Arevalo na lahat ng mga sundalo, hukbong mandaragat, hukbong panghimpapawid, reservists, at civilian human resource ay nakikiisa sa sambayanan sa panalangin para sa pamilya Aquino.
Sinabi Arevalo na lahat ng kampo ng militar sa buong bansa ay ilalagay sa half mast ang watawat bilang pagluluksa sa dati nilang Commander-in-Chief.
Bago nito, una nang nagpahayag ng pakikiramay si DND sec. Delfin Lorenzana sa pagpanaw ni Aquino at sinabing sa ilalim ng kanyang liderato ay napatupad ang AFP Modernization program.
Sa kabilang dako, taos pusong nakikiramay din si PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar kasama ang 220,000 strong PNP personnel sa pagpanaw ng dating Pangulo Benigo Simeon Aquino.
Ayon kay Eleazar bilang kanilang dating commander-in-chief malaki ang naibahagi ng dating Pangulo sa pagpapatupad ng reporma at pagpapalakas sa operational capability ng PNP ng sa gayon lalo pang mapaganda ang pagbibigay serbisyo ng PNP sa sambayan at mapanatili ang peace and order sa bansa.