-- Advertisements --

Mariing pinabulaanan ng actor-host na si Dingdong Dantes bilang “false” o walang katotohanan ang post na nagsasabing nagkomento siya sa pagtakbo ni Vice President Sara sa pagkapangulo sa 2028 elections

Ginawa ng celebrity ang naturang paglilinaw sa pamamagitan ng pag-share ng screenshot ng naturang post sa kaniyang official facebook account.

Nakasaad sa naturang post mula sa account na may profile name na Amy Imperial Ugay, na sinabi umano ng actor na “nakakatakot pag nanalo si VP Sara dahil nakikita niya sa kaniya ang tapang, talino at abilidad na may kakayahang mamuno gaya ng KANYANG AMA,” na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Subalit agad na itinanggi ito ng actor at nilinaw sa kaniyang caption na hindi niya ito sinabi.

Umani naman ang post ng actor ng isang milyong reactions, mahigit 18,000 comments at 33,000 shares.

Binura naman na ng uploader ang kaniyang post at humingi ng tawad sa actor matapos kumalat na rin ang naturang post sa iba pang online platforms.

Inamin din niya ang kaniyang pagkakamali bilang nakakahiya subalit mas nakakahiya umano ang maging magnanakaw.