Pagkakakulong ng aabot sa 10 taon ang kakaharapin ng sinuman na mapatunayang guilty ng International Criminal Court (ICC) sa crimes against humanity.
Ito ang naging tugon ni ICC assistant to counsel at Secretary General ng National Union of People’s Lawyers – National Capital Region Kristina Conti ng matanong sa isang panayam may kinalaman sa penalty na maaaring kaharapin ng dating lider ng estado o iba pang partido na mapatunayang guilty sa nasabing krimen.
Ito ay sa gitna na rin ng ginagawang imbestigasyon ng ICC prosecutors sa war on drugs ng nagdaang Duterte administration.
Ipinaliwanag ng ICC official ang imbestigasyon ng crimes against humanity sa war on drugs sa ating bansa ay hindi para madiskubre kung mayroon ngang mga pagpatay kundi para malaman kung sino ang responsable, sino ang nag-utos at sino ang nakinabang.
Kung sakali, ang akusado aniya ay dadalhin sa ICC detention facility sa kasagsagan ng trial o pagdinig at kapag naconvict ang isang indibdiwal ay dadalhin sa detention facility ng isang miyembro ng ICC.
At dahil hindi aniya miyembro ng ICC ang PH , maaaring dalhin ang akusado sa penal facility ng kahit anong miyembro ng ICC.
Matatandaan , kinatigan ng ICC Appeals Chamber ang ruling ng Pre-Trial Chamber noong Enero 2023 na ipagpatuloy ang imbestigasyon sa pagpatay sa war on drugs ng dating Duterte administration at ang tinatawag na Davao Death Squad.
Tinutulan din nito ang argumento ng PH na walang hurisdiksiyon ang ICC sa bansa dahil sa panahon na iyon ay nabigyan ng awtoridad para simulan ang imbestigasyon noong September 2021 pero ang pagkalas ng PH sa ICC ay naging epektibo noong Marso 2019.
Kumalas ang bansa sa ICC isang taon matapos na simulan ng the Hague-based tribunal ang preliminary investigation nito sa war on drugs na kumitil sa libu-libong katao.
Base sa latest official data na inilabas ng gobyerno ng PH, aabot sa 6,181 katao ang napaslang mula sa 200,000 ikinasang anti-drug operations subalit base sa ICC prosecutors, ang death toll ay tinatayang aabot sa pagitan ng 12,000 at 30,000.