
Patuloy na nakakapangisda sa Bajo de Masinloc ang mga mangingisdang Pilipino sa kabila ng banta dulot ng presensiya ng mga barko ng China Coast Guard sa lugar.
Ayon kay Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Jay Tarriela, nasa 54 na mother vessels ng mangingisdang Pilipino ang namonitor sa lugar noong magsagawa sila ng maritime patrol noong nakalipas na weekend kasama ang BFAR at mga mamamahayag kung saan nasa 168 tonelada ng mga isda ang tinatayang huli.
Ayon sa PCG official, 11 taon na simula ng kontrolin ng China sa pamamagitan ng pagpapadala ng CCG, ang lagoon sa Bajo de Masinloc na swak na lugar para mangisda at sumilong. Ito ay kasunod ng standoff noong 2012 na nagtulak sa gobyerno ng Pilipinas para maghain ng arbitration case laban sa China na naipanalo naman ng bansa at nagpawalang bisa sa 9-dash line map claim ng China.
Sinabi din ni Tarriela na hindi pa rin nakakapasok sa naturang lagoon ang mga mangingisdang Pilipino hanggang sa ngayon na bantay sarado ng dalawang China Coast Guard vessel sa loob at isa sa labas ng lagoon.
Sa kabila nito, nakakapangisda pa rin naman ang mga Pilipino sa palibot ng lagoon sa Bajo de Masinloc.
Una ng hinimok ng PCG at BFAR ang mas maraming mangingisdang Pilipino na mamalaot sa lugar sa pamamagitan ng pagbibigay ng suporta gaya ng pamamahagi ng fuel at grocery.









