
Pinaghahanda na ng Department of Health (DOH) ang mga ospital para sa karagdagang COVID-19 bed capacity para sa posibleng pagtaas ng mga pasyente na dadapuan ng virus sa gitna ng nararanasan ngayon ng bansa na muling paglobo ng mga bagong infecions sa virus.
Ayon kay DOH Officer-in-Charge and Undersecretary Maria Rosario Vergeire , inabisuhan na ang mga ospital na palawigin pa ang kanilang bed capacity at buksan ang mga wards kung saan dating inaadmit ang mga COVID-19 patients.
Bagamat iniulat naman ng DOH official na nananatiling nasa low-risk classification ang healthcare utilization o mababa ang naa-admit sa mga ospital sa ating bansa.
Base sa COVID-19 tracker ng DOH, ang hospital bed occupancy rate sa bansa ay nasa 18% na mayroong 4,384 na okupadong mga kama habang nasa 19,938 naman ang bakante.
Pagdating naman sa average na bagong kaso ng covid-19 na naitala mula Abril 24 hanggang 30, nasa 637. Ito ay 42% na mas mataas kumpara sa 450 cases kada araw mula sa Abril 17 hanggang 23.
Sa latest COVID-19 updates, ayon sa DOH, lahat ng mga lugar sa bansa ay nasa uptrend kung saan sa NCR ang nakapagtala ng malaking pagtaas sa mga dinadapuan ng covid-19 habang nagsisimula ng bumaba ang mga kaso sa Visayas at Mindanao.










