Nauunawaan umano ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang hinaing ng ilang mga medical frontliners na hanggang sa kasalukuyan ay humaharap sa pakikipaglaban sa Coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Batid anya ng lahat na ang mga frontliners ay napapagod na rin at karamihan sa kanila ay nagbuwis na rin ng buhay para lamang makatupad sa sinumpaang tungkulin.
Sang-ayon din at naniniwala si Guevarra na kailangan ng mga health workers ang suporta at pagkalinga na maaaring ibigay ng pamahalaan.
Sinabi pa ni Guevarra na kapag natapos na ang pandemic ay tiyak na hindi makakalimutan ng sambayanan at dapat papurihan at pasalamatan ang mga health care workers at mga frontliners na nagmistulang mga bayani habang tayo ay nasa panahon ng pandemic.
Samantala kagabi ay inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng mga benepisyo ang mga medical frontliners at mga health care workers.
Kasabay din nito ang anunsiyo ng Pangulo na babalik ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine.










