-- Advertisements --

Nabigo ang Gilas Pilipinas na makuha ang ikalawang sunod na panalo sa ikalimang window ng Fiba World Cup Asian Qualifiers matapos itong patumbahin ng Iran sa iskor na 85-72. 

Maagang nalamagan ng 10 puntos ang Pilipinas ng Iran sa unang quarter pa lamang nag laro ngunit nakahabol ang Gilas pagdating ng second quarter at naibaba ang kalamangan sa isa bago magtapos ang first half.

Nakuha pang lumamang ng Gilas sa iskor na 65-63 ngunit hindi ito na depensahan ng koponan at tuluyan nang bumagsak ang kanilang opensa sa fourth quarter. 

Naging malaking problema rin ng Pilipinas ang turnovers matapos makapagtala ng 19 sa buong laro, kabilang ang 10 sa fourth quarter na sinamantala ng Iran.

Pinangunahan ang Iran ni Mohammad Amini na nakapagtala ng game high 20 points at malaking ambag naman ang 18 puntos ni Behman Yakhchali. 

Nasayang naman ang 18 puntos at 7 rebounds ni Bennie Boatwright para sa Gilas, gayundin ang 16 puntos at 7 rebounds ni Dwight Ramos, at ang ambag ni Kai Sotto na 13 puntos at 10 rebounds. 

Dahil sa pagkatalo, bumaba sa 5-5 ang kartada ng Pilipinas at kailangan nitong mapanalunan ang huling dalawang laro kontra Jordan at Syria sa ikaanim at huling window ng qualifiers sa Cebu sa huling bahagi ng Pebrero upang mapanatili ang tsansang makapasok sa World Cup.