Pansamantalang isinuspinde ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang operasyon sa dalawa nitong runway nitong Linggo, Nobyembre 29, matapos mag-emergency landing ang isang eroplano dulot ng hydraulic problem.
Ayon sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), nakatanggap ito ng incident report mula sa Manila Tower hinggil sa isang Philippine Airlines (PAL) flight PR 2923 na tungo sanang Daraga, Albay.
“Due to the disabled aircraft on the runway, NAIA Runways 06/24 were temporarily closed, with Runway 13 utilized for aircraft operations,” ani CAAP.
Ligtas namang nakababa mula sa eroplano ang mga pasaherong lulan ng naturang flight.
Samantala, ipinalalapag naman ang ilang flights, na tungo sanang Manila, sa Clark International Airport sa Pampanga:
- PAL891 – Taipei – Manila
- CEB313 – Taipei – Manila
- PAL659 – Dubai – Manila
- PAL1454 – General Santos – Manila
- CEB111 – Hong Kong – Manila
- SIA910 – Sinagpore – Manila
- ANA869 – Tokyo – Manila
Dalawang flights din ang kinakailangang ma-cancel dulot ng insidente:
- PR2823 – Manila – Bicol
- PR2924 – Bicol – Manila
Kasalukuyan ding nakikipag-ugnayan ang PAL sa mga kinauukulang ahensiya ng pamahalaan at operator ng paliparan upang matiyak ang ligtas na pag-aalis ng eroplano mula sa runway at ang panunumbalik ng operasyon nito.
Humingi naman ng paumanhin at pag-unawa ang airline sa mga pasahero dahil sa aberyang idinulot ng insidente.
“We sincerely apologize for the inconvenience this incident may have caused and appreciate the understanding and patience of our passengers. We are closely monitoring the situation and will provide further updates as necessary,” saad ng PAL.














