-- Advertisements --

Isinusulong ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang direktang pagbili ng gobyerno sa mga produkto ng magsasaka, kasabay ang pagpapalawak ng food hubs at pagtatayo ng karagdagang cold storage facilities upang mapataas ang kita ng mga producer at makatulong na mapababa ang presyo ng pagkain.

Tinalakay ito ni Pangilinan sa plenary deliberations ng panukalang 2027 budget ng Department of Agriculture (DA), matapos ang pagtatanog ni Senator Erwin Tulfo tungkol sa mababang presyong natatanggap ng mga magsasaka sa kanilang ani habang doble o triple naman ang presyo nito sa mga pamilihan.

Ayon kay Pangilinan, may mga programa ang DA na direktang nag-uugnay sa mga magsasaka at mamimili, kabilang ang food hubs at Kadiwa.

Isinusulong din ang buong pagpapatupad ng Sagip Saka Act na nagpapahintulot sa mga ahensya ng gobyerno at local government units na direktang bumili ng produktong agrikultural mula sa mga accredited farmers’ cooperatives and associations.

Bilang halimbawa, binanggit ni Pangilinan ang pagbili ng Quezon City government ng bigas mula sa dalawang kooperatiba para sa Rice for All program nito.

Bumili ang lungsod ng P52 million na halaga ng bigas mula sa Piddig Basi Multipurpose Cooperative at P68 million naman mula sa Sta. Peregrina Multipurpose Cooperative.

Binanggit din ng senador ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), na kinilala ng Department of Budget and Management bilang pinakamalaking government buyer ng mga produktong agrikultural sa ilalim ng Sagip Saka Act. Umabot umano sa P2.3 billion ang halaga ng mga produktong binili ng ahensya.

Nais ding palawakin ng Senate committee ang ganitong sistema sa pamamagitan ng mas mahigpit na koordinasyon ng DA at DSWD sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty (EPAHP), upang mahikayat ang iba pang ahensya na direktang bumili sa mga magsasaka at kanilang mga kooperatiba.

Kasabay nito, itinaas ng Senate committee mula P1.25 billion sa P2.3 billion ang panukalang pondo para sa cold storage facilities.

Paliwanag ni Pangilinan, makatutulong ang maayos na imbakan upang hindi agad masira ang mga ani at mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga magsasaka na maibenta ang kanilang produkto sa halip na mapilitang tumanggap ng mababang presyo.

Nagbibigay rin ang DA ng rice processing at mechanical dryer systems sa mga kooperatiba upang mapabuti ang kalidad ng kanilang ani at makakuha ng mas magandang presyo sa merkado.

Layunin ng mga hakbang na mabawasan ang mga tagapamagitan sa pagitan ng mga producer at mamimili, mapataas ang kita ng mga magsasaka at makatulong na maging mas makatarungan ang presyo ng pagkain para sa mga konsumer.