Ipinag-utos ng Department of Transportation (DOTr) ang imbestigasyon sa isang driver ng TNVS matapos makipagtalo sa mga pasahero dahil sa paggamit ng tollway nang walang paunang pahintulot.
Ayon kay Dizon, dapat mag-isyu ng show-cause order ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB laban sa nasabing driver.
Napaulat ang pagtatalo ng driver at mga pasahero matapos dumaan ang sasakyan sa toll road nang hindi muna ipinagbigay-alam sa mga sakay.
Nagkaroon umano ng karagdagang singil na kinuwestiyon ng mga pasahero.
Lalong uminit ang pagtatalo nang sabihin umano ng driver na bumaba na lamang ang mga pasahero sa sasakyan, dahilan upang igiit ng mga ito na sa police station na lamang nila ayusin ang kanilang hindi pagkakaunawaan.
Ayon kay Dizon, obligasyon ng mga TNVS driver na tiyakin ang kaligtasan, kaginhawahan at kapakanan ng kanilang mga pasahero.
Dapat aniyang ipaalam muna sa mga pasahero kung dadaan sa tollway at hingin ang kanilang pahintulot dahil may karagdagang bayad ito.
Maaari rin umanong managot ang ride-hailing company kung mapatutunayang hindi nito naipaliwanag nang maayos sa mga driver ang mga patakaran sa paggamit ng tollway at pagkuha ng pahintulot ng pasahero.













