-- Advertisements --

Pinaghahahanap na ng Philippine National Police ang umano’y “online groomer” na pinaghihinalaang nasa likod ng pang-iimpluwensiya sa pananaksak ng 12 años na mag-aaral sa dalawa nitong kaklase sa isang mababang paaralan sa Caloocan City.

Inatasan ng hepe ng PNP na si PGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang Anti-Cybercrime Group (ACG) na tuntunin ang indibidwal na umano’y nakipag-ugnayan sa naturang menor de edad sa pamamagitan ng online gaming platform na Roblox at social media platform na TikTok.

“I have ordered the PNP Anti-Cybercrime Group to immediately trace, identify, and hunt down this digital predator in full coordination with foreign and local cyber-intelligence partners,” saad ng hepe.

“Exploiting a minor’s vulnerability to incite real-world violence is a serious crime and we will pursue this perpetrator wherever they are hiding online,” dagdag pa ni Nartatez.

Inaalam din ng mga awtoridad kung sa Pilipinas ba nakabase ang umano’y naturang online groomer o nasa abroad.

Bagama’t lumalabas naman sa inisyal na imbestigasyon na biktima umano ng bullying ang 12 años, kasalukuyan pang tinutukoy ng hanay ng PNP ang motibo sa likod ng insidente.

Kasalukuyan namang nasa ilalim ng kustodiya ng Caloocan City Social Welfare and Development Office ang menor de edad.

Nakatakda na ring ma-discharge sa ospital ang dalawang biktima kung saan sunod itong isasailalim sa isang psychological briefing.