Tinambakan ng Detroit Pistons ang Orlando Magic sa kabila ng hindi paglalaro ni Pistons star Cade Cunningham, 104-86.
Pinangunahan ng bagitong guard na si Isaiah Joe ang Detroit upang ibulsa ang ika-11 panalo ng koponan ngayong season, sa kaniyang 21 points mula sa walong naipasok na field goals. Lima rito ay pawang mga 3-pointers.
Nagawa ng Pistons ang naturang panalo sa kabila rin ng limitadong offensive performance ng forward na si Ausar Thompson.
Umabot lamang sa tatlong shots ang tinangka ni Thompson sa loob ng 31 mins na kaniyang pananatili sa hardcourt. Nagawa rin niyang ipasok ang tatlong shots upang tuluyang ibulsa ang 100% shooting, kasama ang sampung rebounds, pitong assists, at apat na blocks.
Unang nahawakan ng Magic ang 6-point lead sa pagtatapos ng 1st quarter ngunit mabilis itong binawi ng Pistons sa 2nd quarter.
Nagbuhos kasi ang winning team ng 32 points sa naturang quarter habang tanging 14 points ang nagawa ng kalabang team – dahilan upang ibulsa ng Detroit ang 12-point lead sa pagtatapos ng 1st half.
Hindi na nakabawi pa ang Magic mula rito hanggang sa pagtatapos ng 4th quarter at dinanas ang ika-sampu nitong pagkatalo sa loob ng 17 match na pinagdaanan ngayong season.
Nanguna para sa Magic ang guard na si Desmond Bane na kumamada ng 21 points at limang assists habang 20 points naman ang ambag ng forward na si Franz Wagner.
Ang panalo ng Pistons ang ika-11 panalo nito mula sa 17 na match na pinagdaanan na ngayong regular season.














