Labag umano sa Konstitusyon ang muling pagsingit ng special provision sa budget ng office of the Ombudsman na nagpapahintulot sa mga opisyal ng ahensya na makatamasa ng retirement benefits kahit dalawang taon pa lamang ang panunungkulan sa kanilang posisyon ayon kay Senator Imee Marcos.
Sa plenary deliberations sa Senado ng panukalang P8.26 bilyon na budget ng Ombudsman para sa 2027, iginiit ni Marcos na nakasaad sa RA no. 11509 na kailangang tapusin ng mga opisyal ang buong 7 taon na termino upang maging kwalipikado sa mga benepisyo.
Sa special provision no. 6 kasi ng Ombudsman na nauna nang inilagay sa 2026 General Appropriations Bill, at muling ipinapanukala sa bersyon ng Senado sa 2027 GAB, nakasaad na maari nang maging kwalipikado sa retirement benefits ang mga opisyal ng ahensya kung nakadalawang taon na sa posisyon basta’t mayroon pitong taon na panunungkulan sa gobyerno.
Bilang tugon sinabi ni Senate Finance Committee Chair Sen. Jv Ejercito na dumepensa sa pondo ng Ombudsman na hiniling mismo ng ahensya ang probisyon upang magkaroon ng pagkakataong makapagrecruit ng mas bata at bagong mga opisyal na may tapang at integridad sa paglaban sa katiwalian.
Ayon kay Marcos bagaman kinilala niya ang hakbang na ito ng ahensya, malinaw naman aniya ang nakasaad sa Konstitusyon partikular sa Article 6, Section 25(2) na naglilimata sa mga saklaw at operasyon ng special provision sa General Appropriations Act o GAA. Aniya kung nais nitong amyendahan ang batas ay dapat idaan sa tamang proseso at hindi sa pamamagitan ng GAA.
Nilinaw naman ni Ejercito na hindi pag-amyenda sa RA No. 11509 ang naturang probisyon dahil ang saklaw lamang umano ng pagkukuwenta ng panahon ng serbisyo ay para sa mga opisyal lang ng Ombudsman.
Iginiit ni Marcos na mas lalo nakakaalarma ito dahil magbubukas aniya ito ng katanungan kung magreretiro na ba agad si Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Maliban pa rito, ipinunto din ng senadora ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Pimentel v. House of Representatives na nagbabawal sa pagamyenda ng batas sa pamamagitan ng General Appropriations Act at ang pagveto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa naturang probisyon sa 2026 GAA dahil dapat aniyang naka-atas ang pagpapatupad nito sa RA NO. 11059.
Dahil dito, binigyang-diin ni Marcos na ang paulit-ulit na pagsingit ng probisyon ay tila kawalan ng respeto sa Konstitusyon, desisyon ng Korte Suprema at pagveto ng Pangulo.
Matapos ang paghingi ng suspensyon ni Ejercito upang repasuhin ang mga na batas at desisyon na binaggit ni Marcos, sinabi ng senador na sasagutin na lamang ito sa panahon ng pag-amyenda ng panukalang 2027 national budget.














