Nagbabanta ang mga serye ng pag-ulan at mga pagbaha sa maraming lugar sa Luzon ngayong araw ng Miyerkules, Nov. 25.
Batay sa advisory ng state weather bureau, posibleng bubuhos ang katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan na may kasamang kidlat at malakas na paghangin sa malaking bahagi ng Metro Manila (Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Quezon City, Taguig, Makati, Mandaluyong, Pasig, San Juan, Pasay, Pateros, Marikina, Manila).
Mararanasan din ang kahalintulad na sitwasyon sa ilang bahagi ng Bataan (Orion, Bagac, Pilar, Balanga), Batangas (Tuy, Lian, Talisay, Laurel, Balayan, Tanauan, Sto. Tomas, Calaca), Bulacan (DRT, Norzagaray, SJDM), Laguna (Sta. Rosa, Cabuyao, Calamba, Sta. Cruz, Pagsanjan, Luisiana, Majayjay, Magdalena, Pila, Liliw, Nagcarlan, Victoria, Los Baños, Alaminos, Bay, Calauan, Rizal, San Pablo), Nueva Ecija (Gen. Tinio), Quezon (Sampaloc, Mauban, Atimonan, Gumaca, Plaridel, Lopez, Buenavista, Lucban, Catanauan, Gen. Luna, Macalelon, Mulanay, San Narciso, Pitogo, Unisan), at Rizal (Taytay, Cainta, San Mateo, Angono, Baras, Morong, Teresa).
Posibleng magtagal ng dalawang oras ang mga nabanggit na pag-ulan o mas higit pa, at posibleng maulit ng ilang beses.
Dahil dito, malaki ang posibilidad ng mga pagbaha sa mga nabanggit na lugar, lalo na sa mga komunidad na malapit sa ilog o mga sapa.
Ang mga nabanggit na pag-ulan ay dala ng localized thunderstorm, habang ang ilang bahagi ng Luzon tulad ng Hilagang Luzon ay apektado naman ng shear line, amihan, at ng Intertropical Convergence Zone.
Ngayong umaga, una nang bumuhos ang mga malalakas na pag-ulan sa ilang lugar sa lalawigan ng Cavite, Bataan, Batangas, Laguna, Quezon, at Rizal, habang ilang lungsod sa capital region ang nakaranas din ng mga serye ng pag-ulan tulad ng Las Piñas, Muntinlupa, at Parañaque.













