-- Advertisements --

Masasaksihan ngayong Martes ng gabi, Nobyembre 24 ang tinatawag na Beaver Moon o full moon na inaasahang magbibigay-liwanag sa kalangitan.

Ang naturang supermoon ay inaasahang magmumukhang mas malaki at mas maliwanag kumpara sa karaniwang full moon. Tinatayang 8 porsiyentong mas malaki ang apparent diameter nito at 16 porsiyentong mas maliwanag kaysa sa isang karaniwang full moon.

Para sa mga skywatchers hindi nangangailangan ng anumang special equipment upang masaksihan ang Beaver Supermoon. Maaari itong pagmasdan gamit lamang ang mata, bagama’t makatutulong ang binoculars o telescope upang mas makita ang mga detalye sa ibabaw ng buwan.

Para sa mas magandang karanasan sa pagmamasid, pinapayuhang tumingin sa bandang silangang bahagi ng kalangitan pagsapit ng paglubog ng araw, kung kailan nagsisimulang sumikat ang buwan sa horizon.

Maaari ring magmukhang mas malaki ang buwan kapag malapit ito sa horizon. Tinatawag itong Moon Illusion, isang optical phenomenon kung saan tila mas malaki ang buwan dahil sa paraan ng pagtingin at paghahambing ng ating mga mata sa mga bagay sa paligid.

Gayunman, hindi gaanong nagbabago ang aktuwal na apparent size ng buwan habang umaakyat ito sa kalangitan.

Tinawag itong Beaver Moon dahil ito ang panahon ng taon kung kailan nagsisimulang manatili ang mga beaver sa kanilang mga lungga o tirahan (lodges) matapos makapag-ipon ng sapat na pagkain para sa nalalapit na taglamig.

Noong panahon din ng kalakalan ng balahibo (fur trade) sa North America, ito ang panahong karaniwang nagtatakda ng mga bitag para sa mga beaver upang makuha ang kanilang makakapal na balahibo na nagsisilbing proteksiyon laban sa matinding lamig ng taglamig.