-- Advertisements --

Iminungkahi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na pansamantalang alisin ang mga programa ng ayuda sa 2027 national budget upang higit na maituon ang pondo ng pamahalaan sa mga programa at proyektong direktang makatutulong sa paglago ng ekonomiya ng bansa.

Sa plenary deliberations sa panukalang pambansang budget, kinuwestiyon ni Lacson ang P241 bilyong karagdagang ayuda na hiwalay pa sa mga umiiral na social protection program gaya ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Universal Health Care.

Iminungkahi ng senador na pondo ang MAIFIP program o Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients ay ilagay nalabg sa Universal Health Care, pinuna din ni Lacson ang pagsusulong sa Tulong Dunong Program kung saan pwede mag endorso ang mga pulitiko ng scholars, gayong libre na ang kolehiyo sa mga state universities dahil sa mga ginawa nilang batas.

Giit ni Lacson, napaka bagal ng ekonomiya ng bansa hindi lamang dahil sa epekto ng digmaan sa middle east kundi dahil “misplaced” o mali ang prayoridad ng paggastusan ng gobyerno kung kaya’t

dapat munang alisin ang mga ayuda at iba pang gastusing wala naman aniyang balik sa ekonomiya. 

Sa hiwalay naman na panayam kay Senate President Sherwin Gatchalian sinabi nitong pag-aaralan nilang mga senador at Senatw committee on finance kung maari bang tanggalin muna ang mga ayuda program sa susunod na taon.

Gayunman, iginiit ng Senate President ang pangangailangan ng tulong para sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng ayuda lalo pa at hindi pa buong nararamdaman ang magiging epekto ng super el niño sa bansa. 

Samantala, sa pagpapatuloy naman ng kaniyang interpellation, kinuwestiyon din ni Lacson ang P54 bilyong alokasyon para sa 3,950 multipurpose buildings (MPBs), bukod pa sa 1,584 gusali sa ilalim ng Local Government Support Fund Financial Assistance para sa local government uni na napondohan na. 

Sinabi ni Lacson na umabot na sa P770.9 bilyon ang nagastos ng pamahalaan para sa 79,816 multipurpose buildings sa iba’t ibang 

katulad na programa sa nakalipas na 12 hanggang 14 na taon.

Depensa naman ni Senate Finance Committee Chair JV Ejercito, makatutulong sa lokal na ekonomiya ang mga proyektong pang-imprastraktura dahil sa malaking multiplier effect ng construction activities.

Gayunman, sinabi ni Lacson na nakakita sila ng hindi bababa sa 30 proyekto na posibleng may red flags o kahina-hinala.

Kabilang dito ang isang proyekto sa Pangasinan na nabigyan na umano ng pondo noong 2024, 2025 at 2026, ngunit wala pa ring naitayong istruktura sa lugar. May nakalaan din umanong pondo para rito sa 2027.

Sa huli, Tiniyak naman ni Ejercito na rerepasuhin ang mga proyektong tinukoy at aalisin sa panukalang budget kung mapatutunayang may iregularidad.