Inihayag ni National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) Director Emeterio Dongallo Jr. na umuusad na ang kanilang case build-up para sa kasong economic sabotage matapos maglabas ng subpoena laban sa mga direktor at manager ng isang cold storage facility sa Valenzuela City kung saan nadiskubre ang P524 milyong halaga ng hinihinalang smuggled na sibuyas.
Sa isinagawang imbestigasyon, ikinatwiran ng mga opisyal ng pasilidad na pag-aari ng mga tenant at lokal na magsasaka ang mga nakaimbak na produkto, ngunit tanging mga photocopy lamang ng lease contract ang kanilang naiprisinta.
Ayon kay Dongallo, wala pang nakikitang matibay na ebidensya ang kawanihan na mag-uugnay sa mga nasabing produkto sa mga lokal na magsasaka.
Giit ng opisyal, imposible umanong ma-produce ng mga lokal na magsasaka ang ganoon kalaking volume ng sibuyas, na malinaw na senyales ng malawakang hoarding upang manipulahin ang suplay at pagkakitaan sa merkado.
Matatandaang nag-ugat ang operasyon noong Setyembre 29 nang makatanggap ang NBI-NCR ng mapagkakatiwalaang impormasyon na malaking bulto ng mga produkto ang ipinuslit nang walang kaukulang permit at matagal nang nakaimbak sa pasilidad.
Matapos ang dalawa hanggang tatlong linggong surveillance kasama ang Bureau of Customs (BOC), naglabas ng Letter of Authority (LOA) noong Oktubre 16 at ipinatupad ito sa warehouse kinabukasan, Oktubre 17, kung saan nabigo ang mga operator na magpakita ng import documents sa loob ng 15 araw.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12022 o ang Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, itinuturing na economic sabotage ang pagpupuslit o pagtatago ng mga produktong agrikultural na nagkakahalaga ng P10 milyon o higit pa, na may parusang habambuhay na pagkakakulong at multang limang beses sa halaga ng nakumpiskang produkto.















