Siyam na katao ang nasawi at hindi bababa sa 28 ang nasugatan matapos maglunsad ang Russia ng malawakang missile at drone attack sa Ukraine na tumagal nang mahigit 10 oras.
Ayon sa Ukrainian authorities, mahigit 400 attack drones at 110 missiles, kabilang ang 27 ballistic missiles, ang ginamit sa pag-atake. Ilan sa mga tinamaan ay mga tulay, imprastraktura ng kuryente at mga residential building.
Sa pahayag ni Ukrainian President Volodymyr Zelenskyy, kabilang sa mga target ang mga pasilidad na nagsusuplay ng kuryente sa mga nuclear power plant at nag-uugnay sa power grid ng Ukraine sa mga karatig-bansa nito sa European Union.
Kinondena rin ni Zelenskyy ang paggamit ng Russia ng cluster warheads at ang umano’y sunod-sunod na pag-atake upang hadlangan ang rescue operations at pagkukumpuni sa mga nasirang pasilidad.
Kinondena naman ni NATO Secretary General Mark Rutte ang pag-atake at ang paglawak ng epekto nito sa teritoryo ng alyansa.
Nanawagan si Zelenskyy sa mga kaalyado ng Ukraine na pabilisin ang paghahatid ng air defense systems at PAC-2 at PAC-3 missiles upang maprotektahan ang bansa laban sa mga susunod na pag-atake.











