-- Advertisements --

Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na naguguluhan ito hinggil sa mga ikinasang protesta laban sa inisyatibang Pax Silica ng United States.

Ayon sa pangulo, hindi pa naisasapinal ang anumang kasunduan hinggil sa naturang inisyatiba at wala pa aniyang paglalagdang nagaganap kung kaya’t nalilito ito aniya sa mga protestang ikinakasa laban sa naturang proyekto na hindi pa aniya naman pormal na napagkasunduan.

“Wala pa tayong pinag-usapan. Wala pa tayong pinirmahan,” paglilinaw ni Marcos.

Sa isang press conference nitong Biyernes matapos ang 33rd APEC Economic Leaders Meeting sa Shenzen, China, iginiit ni Marcos na hindi rin balak sa ilalim ng nasabing inisyatiba ang pagtatayo ng mga data center sa bansa.

“There will be no data centers in the place that we are going to put this development on AI. It’s AI-centered,” ani pangulo.

Dagdag pa nito, layon lamang aniya ng proyekto ang pagpapalawig ng technological products at pakikipamahagi ng Pilipinas sa ekonomiya ng umuusbong na artificial intelligence.

Ito rin aniya ang pagkakataon ng bansa na makibilang sa paghubog ng global na industriya ng artificial intelligence (AI) sa halip na maging konsumer lamang ng mga produkto nito.

“If we do not invest in it in time, in effort, in money, then wala na. Wala na tayong pag-asa. Because that is the economy. The global economy in the next few years,” saad ni Marcos.

Hinikayat din ng pangulo ang bansa na unawain at tanggapin ang mga naturang proyekto at inisyatiba dahil sa mga magiging ambag aniya nito sa ekonomiya ng Pilipinas, Timog-Silangang Asya at ng buong mundo.

Nitong mga nakaraang linggo, libo-libong katao ang nagsagawa ng protesta sa iba’t ibang bahagi ng mundo bilang pagtutol sa Pax Silica initiative ng US dahil sa banta nito sa kalikasan at likas na yaman.

Lumakas lalo ang mga panawagan ng mga protesta sa kasagsagan ng 49th ASEAN Summit at pagdalo ni US President Donald Trump sa bansa.