Sisimulan na sa Disyembre ng Commission on Elections (COMELEC) ang public bidding para sa mga bagong makinang gagamitin sa 2028 National and Local Elections.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, target nilang ma-award ang kontrata sa mapipiling supplier sa huling bahagi ng Enero o unang bahagi ng Pebrero sa susunod na taon upang magkaroon ng sapat na panahon para sa procurement, paghahanda at pagsubok sa bagong election system bago ang halalan.
Kasunod ito ng pag-apruba ng COMELEC En Banc sa binagong Terms of Reference o TOR para sa Full Automation System with Transparency Audit/Count (FASTRAC v2.0), na may tinatayang halagang Php 22B.
AV 1
Sinabi ni Garcia na kabilang sa mga pagbabago sa bagong sistema ang posibilidad na paggamit ng stamp sa halip na ballpen sa pagmamarka ng balota. Layunin nitong mapadali ang proseso ng pagboto at maiwasan ang mga problemang may kaugnayan sa pagkalat o pagdikit ng tinta sa mga balota.
Magkakaroon din ng pulong ang poll body kasama ang iba’t ibang election stakeholders sa susunod na buwan upang talakayin ang mga detalye, technical specifications at mga pagbabagong ipatutupad sa bagong sistema.
Nilinaw naman ni Garcia na maaari pa ring sumali sa public bidding ang Miru Systems, na nagsuplay ng mga vote-counting machine noong nakaraang halalan, basta’t matutugunan nito ang mga requirement na nakasaad sa bagong TOR.
Gayunman, iginiit ng poll body na lahat ng makinang gagamitin sa 2028 elections ay dapat bago at hindi second-hand o mga kagamitang nagamit na sa nakaraang halalan.
Binigyang-diin ni Garcia na bukas ang procurement process sa sinumang supplier na makatutugon sa mga teknikal na requirement ng komisyon.
Layunin ng COMELEC na masimulan nang maaga ang pagkuha sa bagong election system upang maiwasan ang pagkaantala at magkaroon ng sapat na panahon para sa paghahanda sa 2028 elections.













