Ipinakita ng defense team ang mga larawan ng pasilidad ng Cale88 Foods Corporation na kinuha sa isinagawang virtual inspection noong 2021. Iniharap ang mga ito sa pagdinig bilang bahagi ng testimonya ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ceferino Rodolfo, na nagpaliwanag tungkol sa pagpaparehistro ng kumpanya sa Board of Investments (BOI).
Makikita rin sa mga ipinakitang dokumento ang pagdalo ni Dr. Lourdes Lebosada sa virtual inspection. Nauna nang nabanggit sa paglilitis na dentista siya ni Vice President Sara Duterte. Kapwa rin nagkaroon ng shares sa Cale88 sina Lebosada at ang asawa ng bise presidente na si Atty. Manases Carpio nang itatag ang kumpanya noong 2021.
Kinumpirma naman ni Rodolfo na nakarehistro ang Cale88 sa BOI bilang export enterprise. Ibig sabihin, kailangang hindi bababa sa 70 porsiyento ng kabuuang produksiyon nito ay nakalaan para sa pag-export.










