Pinawalang-sala na ng Ilocos Sur regional trial court ang community doctor na si Ana Marie Rilloraza-Leung at kilalang indigenous peoples rights advocate na si Alpha Sungay sa reklamong attempted murder kaugnay ng mga paratang na koneksiyon ng mga ito sa komunistang rebelyon.
Batay sa pasiya ng korte, bigong napatunayan ng prosekusyon ang mga ibinibintang nitong kaso at partisipasyon sa mga naturang krimen.
Matatandaan nitong Marso, sinalakay ng sanib-pwersang mga operatiba ng Philippine National Police at Philippine Army 5th Infantry Division ang ilang lokasyon sa Tarlac at Quezon City kung saan naaresto si Rilloraza-Leung at Sungay, kasama ang anim pang iba.
“Considering therefore that the identities and participation of both accused are not established by the evidence of the prosecution as some of the perpetrators, their acquittal is imperative,” saad sa ruling ng pag-abswelto sa dalawa.
Samantala, ipinag-utos naman ng korte ang agarang pagpapalaya sa dalawang defendants mula sa Provincial Jail ng Bantay, Ilocos Sur, maliban na lamang anila kung may iba pang makatwiran at legal na batayan upang sila ay patuloy na idetine.
Malugod namang tinanggap ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA) ang desisyon ng korte at anila’y patunay kaparaanan ng paggamit ng mga kasong kriminal para patahimikin at gipitin ang mga human rights defender.
Kabilang si Rilloraza-Leung at Sungay sa tinatawag na Cordillera 8 na kinabibilangan ng mga community health workers, advoicates, at organizers na tagapagtanggol ng karapatan ng mga katutubong Pilipino.








