Pinuri ni Philippine National Police (PNP) chief General Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga police commander at personnel dahil sa matagumpay na pagpapatupad ng mga hakbang pangseguridad sa 49th ASEAN Summit at mga kaugnay nitong pagpupulong.
Ayon kay Nartatez, natupad ng PNP ang mga ipinangakong hakbang upang matiyak ang seguridad ng mga dayuhang delegado at mga venue ng summit. Mahigit 23,000 pulis ang itinalaga sa seguridad, habang mahigit 630 pagpupulong ang matagumpay na naisagawa nang walang aberya.
Sa kabila nito, mahigit 200 raliyista ang inaresto matapos umanong tangkaing makapasok sa Philippine International Convention Center sa Pasay City. Ayon sa PNP, napigilan ng mga pulis ang mga demonstrador na makalapit sa venue matapos silang harangin at buwagin.
Nagpasalamat din si Nartatez sa iba pang ahensiya ng pamahalaan na tumulong sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. Hinikayat niya ang mga pulis na ipagpatuloy ang parehong dedikasyon at propesyonalismo sa kanilang pang-araw-araw na tungkulin sa mga komunidad.















