-- Advertisements --

Kumita ng aabot sa P1.4 milyon mula sa kabuuang 11.747 metriko tonelada ng bangus ang tatlong asosasyon ng mga mangingisda sa Misamis Occidental matapos ang kanilang sunud-sunod na ani mula Oktubre 19 hanggang 22, 2026.

Ang matagumpay na ani ay naisakatuparan sa pamamagitan ng patuloy na suporta at gabay ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – Special Area for Agricultural Development (BFAR-SAAD) Program Phase II.

Nagsimula ang unang araw ng anihan sa Baliangao Fisherfolk Association (BAFA) sa bayan ng Baliangao noong Oktubre 19 na may naani na 3.726 metriko tonelada ng bangus.

Sinundan ito ng Hugpong sa mga Mangingisda sa Caluya Association (HUGMACA) sa Sapang Dalaga noong Oktubre 20 na nakapagtala ng 4.537 metriko tonelada, habang nagtapos ang serye sa Cagay-anon SAAD Fisherfolk Organization (CASAFO) sa Sinacaban noong Oktubre 22 na may 3.484 metriko tonelada.

Ang tagumpay ng anihang ito ay patunay aniya na ang mga proyekto sa pag-aalaga ng bangus sa lambat-lambat o fish cage ay mabisang nagiging maaasahang kabuhayan para sa mga pamilya at komunidad ng mga mangingisda.