-- Advertisements --

Tatlong babae, kabilang ang isang konsehal ng bayan, ang inaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y syndicated estafa kaugnay ng bentahan ng mga residential property sa Pampanga.

Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), naaresto ang mga suspek sa isang operasyon sa San Fernando City noong Nobyembre 13, 2026, habang tumatanggap umano ng P650,000 mula sa mga nagreklamo para sa restructuring ng kanilang Contracts to Sell.

Nagsimula ang imbestigasyon matapos magreklamo ang ilang mamimili na nakapagbayad na ng malaking halaga para sa mga property sa Panorama Heights at Kay-Land Residences sa Mexico, Pampanga. Gayunman, lumitaw sa beripikasyon sa Pag-IBIG Fund na ang ilan sa mga ari-arian ay nailipat na, naibenta, nakasangla, o kabilang na sa mga acquired asset nito.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong syndicated estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Presidential Decree No. 1689.