-- Advertisements --

Naniniwala si Department of Trade and Industry Secretary Ma. Cristina Roque na malaki ang maitutulong ng bagong kasunduan ng ASEAN patungkol sa ‘digital economy’. 

Nang maisakaturapan ang DEFA o Digital Economy Framework Agreement, itinuring ito ng kalihim bilang ‘Big Win’ lalo na sa mga MSME’s o Micro, Small and Medium Enterprises. 

Sa pamamagitan aniya ng ‘digital space’, mas mapapadali na ang pakikipag-ugnayan ng mga ito na maibenta ang kanilang mga produkto sa rehiyon. 

Pinakamura din umano ito ayon sa kalihim kaysa magtayo pa ng mga ‘physical stores’ ang mga hindi kalakihang nagnenegosyong Pilipino. 

Maliban sa pagbebenta ng produkto, nakikita ng kalihim na magbubukas ito ng potensyal at oportunidad para sa ibang industriya. 

Ibinahagi ng kalihim na ang nabanggit na kasunduan, gamit ang ‘digital space’ ay magsisilbing instrumento para mapalawak ang edukasyon maging ng mga nasa malalayoong lugar. 

Posible na aniya kasing matutuo o magkaroon ng edukasyon mula sa iba’t ibang miyembrong bansa ng ASEAN sa pamamagitan ng ‘digital space’. 

Hindi naman isinantabi ni DTI Sec. Roque ang pag-aalala sa kasalukuyang kompetisyon sa pagnenegosyo. 

Bagama’t mayroon nang ganitong sitwasyon bago pa man magkaroon ng kasunduan, kanyang binigyang diin na kinakailangan mag-level up din ang mga produktong Pilipino. 

Kaya’t seseguraduhin aniya na maibabahagi sa kanila ang kahalagahan ng kasunduan at kung papaano ito makatutulong para magamit ang buong potensyal ng negosyo.