-- Advertisements --

Pinaigting ng Department of Agriculture (DA) ang kampanya sa pagbabakuna laban sa African Swine Fever (ASF) matapos makapagbakuna ng halos kalahating milyong baboy, habang 65 porsiyento ng mga naapektuhang lugar ang nakarekober na.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., layunin ng hakbang na ito na maibalik ang lokal na produksyon sa dating antas bago tumama ang ASF noong 2019 na umabot sa humigit-kumulang 13 milyong baboy.

Iniulat naman ng Bureau of Animal Industry (BAI) na umabot sa 499,008 doses (99.8% utilization) ang naiturok mula 2024 hanggang unang kalahati ng 2026 sa pitong probinsiya, kabilang ang paggamit ng AVAC ASF Live Vaccine mula sa Vietnam.

Pinalalakas din ang proteksyon sa antas ng komunidad sa pamamagitan ng Community Animal Biosecurity Interventions (CABI) at pamamahagi ng P49.824 milyong tulong pinansyal sa mga apektadong magsasaka sa walong rehiyon.

Sa kabila nito, nananatili ang aktibong kaso ng ASF sa 236 barangay sa 23 probinsiya, habang 716 na lugar ang nauri bilang buffer zones habang patuloy ang panawagan ng DA para sa mas mahigpit na biosecurity.