-- Advertisements --

Walo ang nasawi at 19 ang sugatan matapos gumuho ang isang tatlong-palapag na gusali sa Flatbush Avenue, Brooklyn, New York.

Ayon sa New York City Fire Department, apat sa mga sugatan ang nasa kritikal na kondisyon at patuloy na ginagamot sa ospital.

Patuloy ang search and rescue operations sa lugar upang matukoy kung mayroon pang mga taong na-trap sa ilalim ng mga guho. Kabilang sa mga nailigtas ang isang buntis na babae na buhay na nahugot mula sa gumuhong gusali.

Batay sa paunang impormasyon, katabi ng gusali ang isang construction site kung saan isinasagawa ang excavation work. Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang posibleng sanhi ng insidente.

Nagpatuloy magdamag ang mga rescue personnel sa paghahanap ng mga posibleng nakaligtas sa kabila ng mapanganib na kondisyon sa lugar.

Inaasahan ding maaaring makaapekto sa nagpapatuloy na rescue operations ang malakas na ulan at pagkulog at pagkidlat.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagguho ng gusaling may mga residential apartment.