-- Advertisements --

Naihain na ng Department of Justice sa kaukulang korte ang petisyon para sa kahilingan ng Estados Unidos na ma-extradite si Pastor Apollo Quiboloy mula sa bansa.

Ayon sa kagawaran, inihain nitong ika-9 ng Nobyembre 2026 ang ‘Petition for Extradition Request’ sa Regional Trial Court ng Makati.

Batay sa impormasyon, nai-raffle na ang kaso at bumagsak sa Branch 145 ng hukuman na pinangungunahan ni Hon. Judge Karen Sy.

Kabilang sa mga kasong kinakaharap ng pastor ay ang international human trafficking, sex trafficking, conspiracy, at bulk cash smuggling.

Kasabay nito’y may mga inisyu na ring ‘arrest warrant’ ang korte sa Amerika laban sa mga respondents na itinuturing ‘valid’ at maaaring ipatupad.

Ibinahagi ng DOJ na layunin ng gobyerno ng dayuhan bansa sa paghiling ng ‘extradition’ ay maipagpatuloy ang pag-uusig sa pastor para sa mga kinakaharap nitong kaso.

Alinsunod sa ‘Rules of Extradition’, ang ‘extradition court’ ay mag-iisyu pa ng ‘warrant of arrest’ sa mga extraditees, habang ang clerk of court ay magpapadala naman ng kinakailangan ‘summons’.

Personal itong isisilbi sa mga ‘extraditee’ kasama pati ang petisyon at mga dokumento.

Ilan buwan din ang inabot bago humantong sa tuluyang paghahain ng petisyon sa korte ang hiling na extradition ng dayuhan.

Magugunitang noong nakaraan ay sinabi ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan na isinailalim pa nila sa ‘ebalwasyon’ ang iba pang mga impormasyon ipinadala ng Amerika.

Maliban sa naturang pastor, kabilang sa mga nais ng Amerika na ma-extradite na kapwa-respondents ni Quiboloy ay sina Teresita Dandan at Helen Panilag.

Paglilinaw ng DOJ na ang hakbang ginawa ay hindi awtomatikong nangangahulugan ‘guilty’ na kagad ang pastor bagkus parte lamang ng proseso sa usapin ‘extradition’.