-- Advertisements --

Inanunsyo ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Lunes ang nalalapit na paglulunsad ng isang online transparency portal sa website ng Kamara na magbibigay-daan sa publiko na makita at masubaybayan ang mga proyektong pinopondohan ng pamahalaan.

Makikita sa naturang portal ang pangalan at lokasyon ng bawat proyekto, pondong inilaan dito, at kasalukuyang estado ng implementasyon o kung ito ay natapos na o hindi pa.

Ayon kay Dy, sinimulan ang pagbuo ng portal noong Setyembre at inaasahang magiging available sa publiko sa mga susunod na araw.

Layunin nitong mabigyan ang mga mamamayan ng madaling access sa tamang impormasyon tungkol sa paggamit at paglalaan ng pondo ng bayan.

Kasabay nito, inatasan ni Dy ang lahat ng oversight committee ng Kamara na agad magsagawa ng pagsusuri sa paggamit ng pondo ng mga departamento at ahensiya ng gobyerno sa ilalim ng 2026 national budget.

Sisiyasatin kung nagamit ang pondo sa tamang layunin, kung naipatupad ang mga programa at proyekto, at kung nasunod ang itinakdang panahon ng kanilang implementasyon.

Binigyang-diin ng Speaker na hindi nagtatapos sa pag-apruba ng badyet ang responsibilidad ng Kongreso. Kailangan din nitong tiyakin na tama at maayos na nagagamit ang pera ng bayan.

Ayon pa kay Dy, dapat malaman ng publiko kung saan napupunta ang bawat sentimong nagmumula sa buwis ng mga mamamayan.

Muling tiniyak ni Dy na magiging bukas sa publiko at livestreamed ang mga pagdinig ng bicameral conference committee tungkol sa 2027 national budget.

Binanggit din niya ang patuloy na operasyon ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc) upang masusing suriin ang mga pagbabagong iminumungkahi sa badyet.

Ayon sa Speaker, pinag-aralan ng Kamara kung aling mga programa ng gobyerno ang nangangailangan ng dagdag na pondo at kung aling mga alokasyon ang posibleng hindi magamit sa itinakdang panahon.

Kabilang sa mga prayoridad na programang nais dagdagan ng pondo ang edukasyon, gaya ng scholarship at kaligtasan sa mga paaralan; kalusugan, partikular ang tulong medikal; at agrikultura, bilang paghahanda sa inaasahang El Niño.

Itinanggi rin ni Dy ang mga pahayag na binago ng Kamara ang National Expenditure Program nang walang konsultasyon. 

Aniya, nagsagawa sila ng malawakang talakayan kasama ang mga ahensiya ng gobyerno at iba’t ibang sektor.

Muli namang tiniyak ni Speaker ang pakikipagtulungan ng Kamara sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Senado upang makabuo ng pambansang badyet na tutugon sa pangangailangan ng mga Pilipino at maayos na maipatutupad.