-- Advertisements --

Inamin ni Manila 3rd District Representative Joel Chua na hindi pa niya personal na nakikita ang bagong direktiba ng Senate Impeachment Court na muling nagpapatupad ng sub judice rule sa lahat ng articles of impeachment.

Gayunpaman, binigyang-diin ng mambabatas na buo nilang igagalang ang anumang opisyal na desisyon at alituntuning inilalabas ng naturang hukuman.

Ipinaliwanag niya na ang kanilang pagtalakay sa mga usapin sa publiko ay layunin lamang na linawin ang mga mahahalagang puntong hindi gaanong natutukan ng paliwanag sa loob ng impeachment court.

Kasabay nito, umapela si Chua sa publiko na maging mas maingat sa pagkalap ng impormasyon upang hindi maging biktima ng fake news o disinformation.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang kongresista sa mga tao at organisasyong patuloy na nagtataguyod ng mga obhektibong ulat mula sa mga pagdinig ng Senado.

Aniya, napakahalagang may mga maaasahang outlet pa rin para sa reliable na impormasyon sa harap ng tumitinding pagkalat ng mga nakakalitong balita sa lipunan.

Inaasahang magpapatuloy ang pagtalima ng mga kinauukulan sa mga panuntunan habang pinapanatili ang patas at maayos na paggulong ng impeachment proceedings sa bansa.