-- Advertisements --

Nagpahayag ng pagdududa si House prosecution panel member at Representative Terry Ridon kung makatutulong sa depensa ni Vice President Sara Duterte ang mga saksi na nais iharap ng kanyang kampo sa impeachment trial. Aniya, posibleng lalo pang madagdagan ang impormasyong mag-uugnay sa bise presidente sa mga kumpanyang iniimbestigahan.

Ayon kay Ridon, kung corporate secretary ng mga naturang kumpanya ang haharap, maaari lamang nitong mapatunayan ang pagkakasangkot ni Duterte sa mga ito. Kinuwestiyon din niya ang paglalagay ng mga opisyal ng bangko sa witness stand dahil hindi naman magbabago ang laman ng mga account.

Samantala, sinabi ni Ridon na nakatuon lamang ang prosekusyon sa alegasyon ng unexplained wealth matapos ibalik ng Senate impeachment court ang sub judice rule sa lahat ng apat na artikulo ng impeachment.

Aniya, wala silang interes na talakayin sa publiko ang tatlong artikulong iniatras, dahil may mga hiwalay nang proseso kaugnay ng grave threats, confidential funds at mga imbestigasyon ng COA at Ombudsman.

Inaasahan niyang makapaglalabas ng desisyon ang Senate impeachment court sa katapusan ng Nobyembre o unang linggo ng Disyembre, habang umaasa naman ang kinatawan ng Alyansa ng mga Samahan sa Diliman na hindi na pahahabain ang paglilitis upang agad na magkaroon ng pananagutan.