Muling sumalang sa military training ang mga sundalo ng US at Pilipinas sa mga baybayin ng Batanes sa ilalim ng Coral Dagger Exercise 2026.
Sa ilalim ng naturang military exercises, pinapatibay ang sistema ng pagdepensa sa mga malalayong lugar na malapit sa mga baybayin at isla habang inaayos ang koordinasyon, komunikasyon, at integration ng mga kasamang hukbo.
Kinabibilangan ito ng U.S. Marine Corps, Special Forces, Philippine Army, Philippine National Police, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fire Protection.
Ang Coral Dagger Simulation ay isang bilateral tactical at military drill na isinasagawa sa pagitan ng Estados Unidos at ng Pilipinas na ginagamitan din ng mga makabagong military technologies at war materials.
Isinagawa ang closing ceremony ng naturang simulation sa Forward Operating Base (FOB) sa bayan ng Mahatao na pinangunahan ni Northern Luzon Command Commander, Lt. Gen. Aristotle D. Gonzales.
Kinikilala ng 3-Star General ang dedikasyon at mga kontribusyon ng mga sundalong nakibahagi, kahalagahan ng patuloy na kooperasyong militar, magkasamang pagsasanay, at pagpapalitan ng kaalaman.
Ang Batanes ang pinaka-hilagang bahagi ng PH at isa sa mga lugar na kadalasang dinadaanan o pinupuntahan ng Chinese ships at mga Chinese research vessel.















