-- Advertisements --

Inakusahan ni dating Senador Antonio Trillanes IV si Interior Secretary Jonvic Remulla na posibleng nakaaapekto sa operasyon ng mga awtoridad laban kay Senador Ronald “Bato” Dela Rosa dahil sa umano’y hindi napapanahong paglalabas nito ng impormasyon sa publiko.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines, sinabi ni Trillanes na batay sa mga impormasyong nakalap nila noon, nasa Davao Region si Dela Rosa.

Gayunman, iginiit niyang posibleng nabulilyaso ang tracking operations matapos ang sunod-sunod na press conference ni Remulla, na aniya ay nagbigay ng pagkakataon sa kampo ng senador na matunugan ang mga hakbang ng mga awtoridad.

Dahil dito, kinuwestiyon ni Trillanes ang papel ng kalihim sa operasyon at hindi niya inalis ang posibilidad na may naipararating na impormasyon sa kampo ni Dela Rosa hinggil sa kanilang paghahanap.

Muling pinuna ng dating senador ang pagkilos ni Remulla kaugnay ng P50-milyong pabuya para sa impormasyong hahantong sa pagkakadakip kay Dela Rosa.

Ayon kay Trillanes, dapat sana umanong inanunsiyo ito noong Nobyembre 2025, nang unang makuha ang impormasyon tungkol sa arrest warrant laban sa senador.

Matatandaang noong Oktubre 23, taong kasalukuyan, inanunsiyo ni Remulla ang P50-milyong pabuya para sa impormasyong makatutulong sa pagkakadakip sa senador.

Binigyang-diin din ni Trillanes na naniniwala siyang nasa Pilipinas pa rin si Dela Rosa at nasa Mindanao.

Gayunman, aniya, hindi dapat isinasapubliko ang bawat hakbang ng mga awtoridad dahil maaari itong magbigay ng babala sa taong kanilang hinahanap.

Iginiit niyang dapat unahin ang operational security at communication security, at saka lamang maglabas ng detalye kapag naisakatuparan na ang pagdakip.

Matatandaang naglabas ang International Criminal Court (ICC) ng warrant of arrest laban kay Dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity na may kaugnayan sa kampanya kontra droga sa ilalim ng administrasyong Duterte.

Sa kabila nito, hindi pa rin inilalabas ng mga awtoridad ang tiyak na kinaroroonan ni Dela Rosa.